Connect with us

Viral

Isang ama na pedicab driver, sinorpresa ng anak na nagtapos bilang isang Magna Cum Laude!

Published

on

Bilang mga magulang, natural na sa atin ang tayo ay mangamba kung magagawa ba natin talagang buhayin, suportahan at alagaan ang ating mga anak. Sa panahon kasi natin ngayon ay talagang napakahirap na ang magpalaki ng mga anak.

Hindi lamang dahil mahal na ang lahat ng bilihin sa ngayon at sobrang baba ng pasweldo kundi dahil sa napakarami talagang kailangan na pagdaanan bago makamit ang tagumpay ng isang pamilya. Kamakailan lamang ay nagbigay inspirasyon at pag-asa sa maraming mga Pilipino ang kwento na ito ng isang ama na isang pedicab driver.

Hindi man kalakihan ang kaniyang kinikita sa pagpapadyak ay nagawa niyang mapagtapos ang kaniyang anak sa kolehiyo. Katuwang ang kaniyang misis ay nasuportahan nga nila ang kanilang anak na si Sandra Estefani Ramos.

Ang pamilya ay nakatira sa Magarao, Camarines Sur. Napakalaking biyaya at oportunidad para kay Sandra ang makapag-aral ng kolehiyo kung kaya naman hindi niya hinayaan na mabalewala ang pagsusumikap ng kaniyang mga magulang para sa kaniya.

Nang dumating na ang araw ng kanilang pagtatapos ay talagang nais niyang ipagmalaki ang kaniyang ama kung kaya naman sakay ng pedicab na minamaneho nito ay inihatid siya nito sa kanilang paaralan. Hindi inaasahan ng kaniyang mga magulang na mayroon palang sorpresa para sa kanila si Sandra.

Hindi lamang kasi siya magtatapos ng kolehiyo kundi magtatapos din siya ng mayroong mataas na karangalan. Isa siyang Magna Cum Laude na talaga namang labis pang nagpasaya sa kaniyang mga magulang.

Walang pagsidlan ng tuwa ang mag-asawa dahil sa sorpresang ito ng kanilang anak. Tunay nga na ang bawat hirap at pagod na kanilang dinaranas ay nakikita ng kanilang anak.

At dahil puno ng respeto at pagmamahal si Sandra para sa kanila kung kaya naman nagsumikap ito ng husto sa kaniyang pag-aaral. Bilang isang magulang, walang katumbas na halaga ang pagkakaroon ng isang responsable at matiyagang anak.


Continue Reading

Copyright © 2019 The Life Feed. Powered by Teky Media