Connect with us

Viral

Isang Pinoy janitor noon, may-ari na ngayon ng sarili niyang restawran sa Australia!

Published

on

Marami sa ating mga Pilipino ang nais talagang magtrabaho sa ibang bansa. Madalas kasi ay ito lamang ang nagiging paraan upang tuluyang makapagpundar o di kaya naman ay makaahon sa hirap.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng publiko na marami sa atin ang matagal nang nagtatrabaho sa iba’t-ibang kompanya dito sa bansa ngunit sumasapat lamang ang arawan o buwanang kita sa panggastos at pangkain araw-araw. Kamakailan lamang ay nagsilbing inspirasyon sa maraming mga Pilipino si John Andrew Dangca na sa edad na 19 na taong gulang ay talagang nakipagsapalaran sa bansang Australia.

Sa murang edad ay nagtatrabaho na siya sa ilang mga hotel, bahay, mall, at opisina bilang isang janitor para lamang mayroong maipadala sa kaniyang pamilya sa Pinas. Kasabay ng kaniyang pagtatrabaho ay ang pagtupad niya rin sa kaniyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Nang magkaroon na siya ng sariling diploma ay naghanap siya ng isa pang trabaho at nakuha siya bilang isang assistant sa isang aged care facility. Ngunit hindi niya pa rin iniwanan ang trabaho bilang isang janitor.

Pinagsabay niya ang mga trabaho niyang ito hanggang sa makaipon siya ng pera upang madala ang kaniyang pamilya sa Australia.

“Maraming mga pagsubok katulad no’ng nakakatulog po ako doon sa train station. Dire-diretso po ako no’n papunta sa kabilang trabaho, ganyan. Sa bus, nakakatulog po. Parang doon na rin po ako nakakapagpahinga,” Pagkukwento ni Andrew.

Nito lamang 2021 ay nakapag-ipon na siya ng sapat na puhunan upang maitayo ang kaniyang Filipino restaurant sa Canberra. Tinawag niya itong “Salu-salo”.

Ayon pa kay Andrew, hindi raw talaga madali ang lahat sa umpisa. Makakaranas at makakaranas din talaga ng kabiguan at mga pagsubok ngunit bandang huli ay makakamit pa rin ang pinakaaasam na tagumpay.

Tunay nga na walang imposible sa taong mayroong pangarap sa buhay. Lalo na kung ang kaniyang sariling pamilya ang mismong inspirasyon niya. Kahit gaano kahirap at kaimposible ay tiyak na mapagtatagumpayan din lalo na kung sasamahan ng determinasyon at kasipagan.


Continue Reading

Copyright © 2021 The Life Feed. Powered by Teky Media