Connect with us

Viral

Aktres na si Jane De Leon, hindi nagdalawang-isip na tulungan ang delivery rider na dala-dala ang kaniyang anak habang nagtatrabaho!

Published

on

Dahil sa pandemya, marami sa atin ang nawalan ng mga trabaho, marami din ang mga negosyo na kinailangan talagang magsara dahil na rin sa pagkalugi. Mahirap at talagang mabigat ang pagsubok na ito ngunit marami pa rin sa ating mga Pilipino ang nanatiling matatag at positibo sa buhay.

Tulad na lamang ng isang food delivery rider na gamit ang kaniyang bisikleta makapagtrabaho lamang. Ang binatang ito ay nakilala sa pangalan na Hershey Manuel, 18 taong gulang.

Sadyang napakabata pa niya para maging isang ganap na magulang ngunit hindi ito naging hadlang upang takbuhan o talikuran niya ang kaniyang responsibilidad. Batid niyang mapanganib na isama at isakay sa kaniyang bisikleta ang kaniyang munting sanggol habang siya ay nagtatrabaho lalo na at laganap pa rin ang COVID-19 sa buong bansa ngunit wala siyang ibang maisip na paraan upang makapagtrabaho pa rin nang araw na iyon.

Wala raw siyang mapag-iwanan ng kaniyang anak dahil ang kaniyang asawa ay nagtatrabaho rin bilang isang kasambahay. Dahil dito ay isinama na niya ang kaniyang anak kung saan nga siya nakuhanan ng larawan ng isang netizen.

Marami ang naantig sa kwentong ito ni Hershey at isa na nga sa mga ito ang aktres na gaganap bilang si Darna – si Jane De Leon. Hindi siya nagdalawang-isip na tulungan ang delivery rider kung saan nagpahatid talaga siya ng mga gamit at pinansiyal na tulong para sa kanila.

Bumisita rin siya mismo sa kanilang tahanan upang makadaupang-palad ang pamilya ni Hershey at makita ang kaniyang anak. Masayang masaya ang buong mag-anak at walang pagsidlan ang kanilang kagalakan sa mga biyayang natanggap.

Buong puso din silang nagpasalamat sa aktres dahil sa pagtulong nito sa kanila. Maraming mga netizens ang pumuri sa aktres at sinabing hindi lamang karakter ni Darna ang kaniyang ginagampanan kundi maging ang tunay na kahulugan ng naturang Pinoy superhero sa mga Pilipino – tumutulong sa mga nangangailangan ng walang hinihintay na kapalit.


Continue Reading

Copyright © 2021 The Life Feed. Powered by Teky Media