Connect with us

Viral

11-anyos na bata, matapat na nagsauli ng Php100,000 na kaniyang napulot sa isang dyip!

Published

on

Mataas na bilihin, mababang pasahod para sa mga manggagawa, korapsyon, krimen, at talamak na kahirapan, ito ang ilan sa mga suliranin na kinahaharap ng maraming mga Pilipino sa ngayon. Nakakalungkot mang isipin ngunit ito na talaga ang reyalidad ng buhay natin sa ngayon.

Hindi na nakapagtataka na mayroong iilan sa ating mga kababayan ang nagagawang magnakaw o gumawa ng masama upang maisalba lamang ang kanilang pamilya sa kumakalam nilang mga sikmura. Sa kabila ng katotohanang ito ay mas marami pa rin namang mga Pilipino ang nananatiling matapat at nagsusumikap na gumawa ng mabuti sa lahat ng pagkakataon.

Tulad na lamang ng 11 taong gulang na batang ito mula sa Asipulo, Ifugao. Siya ay nakilala bilang si Denard Uy-uyon.

Ayon sa kaniyang naging pahayag, kasama niya noon ang kaniyang ina na si Daisy nang sumakay sila sa isang dyip. Mayroon siyang nakitang pouch nang sumakay sila rito at laking gulat nila nang makitang may laman pala itong malaking halaga ng pera.

Agad niyang sinabi sa kaniyang ina ang natagpuang pera. Mayroon namang nakita ang ina niya na ID sa pouch na siyang ginamit nito upang makontak ang may-ari ng pouch na may lamang pera.

Ang may-ari pala ng pouch ay ka-barangay nila, si Myrna Nalliw. Ayon naman sa kaniyang salaysay ay kinailangan niyang withdraw-hin ang pondo na ito ng pinagtatrabahuhan niyang kompanya.

Ayon pa sa matapat na bata ay ninais niya talagang ibalik ang pouch na mayroong laman na pera dahil sa nais niyang maging matapat. Ito daw kasi ang palaging paalala sa kaniya ng kaniyang mga magulang.

Dahil sa ipinakita niyang katapatan ay binigyan ng gantimpalang Php10,000 si Denard mula sa nakilalang si Agnes Piggangay na tiga-Kiangan. Talaga namang nakakamangha ang mga ganitong klase ng indibidwal.

Sa murang edad ay talagang hindi siya naging makasarili at hindi niya inasam ang perang ito na maaari sanang mag-ahon sa kanila sa kahirapan.


Continue Reading

Copyright © 2019 The Life Feed. Powered by Teky Media