Connect with us

Inspiring

Lalaking mula sa isang “broken family” ibinahagi ang kaniyang mga pinagdaanang pagsubok at sakripisyo bago niya maipundar ang sarili niyang “dream house”!

Avatar

Published

on

Lahat naman tayo ay mayroong pangarap sa buhay. Ngunit kaakibat ng mga pangarap nating ito ay ang napakaraming mga pagsubok at paghihirap na kailangan nating pagdaanan bago natin makamit ang rurok ng tagumpay.

Sabi nga sa isang kasabihan, ang ginto ay lalong dumadalisay sa tuwing dinadarang at pinadaraan ito sa apoy. Ang buhay ni Marco Constantino ay maaari din nating maihalintulad sa gintong kinakailangang idarang sa apoy upang makita kung gaano ito kaganda.

Ibinahagi niya sa Facebook group na “Home Buddies” kung paano niya ginapang at nairaos ang napakaraming pagsubok na kaniyang pinagdaanan mula pa nang kaniyang kabataan. Sampung taong gulang pa lamang siya noon nang siya ay namuhay kasama ang kaniyang mga lolo, lola at mga tito at tita.

Naghiwalay na kasi ang kaniyang mga magulang at mayroon na rin silang kaniya-kaniya nilang mga pamilya. Sa tulong ng kaniyang mga lolo, lola at mga tito at tita ay nagawa niyang makapagtapos ng pag-aaral.

Ngunit ipinangako niya sa kaniyang sarili na magpupundar siya ng sarili niyang bahay sa edad na 27 taong gulang. Inalala din niya noon kung paano siya dumidiskarte ng pera para lang masuportahan ang kaniyang sarili at nang hindi na siya humingi pa ng pambaon sa kaniyang mga kamag-anak.

Palagi siyang may dalang paninda sa kanilang eskwelahan kung saan ang kaniyang mga kamag-aral at mga guro ang kaniyang suki. Kalaunan ay nag-kolehiyo na siya at nagsumikap maging isang “working student”.

Nakapagtapos na siya ng kolehiyo at inakala niyang ito na ang simula ng magandang kinabukasan niya. Hindi niya akalain na napakahirap din palang maghanap ng trabaho kahit na mayroon ka nang diploma.

Halos tatlo hanggang limang buwan din siyang nabakante, umasa na matatanggap din siya sa mga kompanya na sinubukan niyang pasukan. Kalaunan ay natuklasan niya ang bagay na mahal na mahal niya kung kaya naman sinimulan niya ang Marco Constantino Film and Photography.

Nagsimula sa isa hanggang walong mga tauhan at ngayon ay mayroon nang 40 mga empleyado. Nakabili na rin siya ng kaniyang sariling bahay sa edad na 28 taong gulang.

Tunay nga na walang imposible sa taong mayroong pangarap at determinasyon sa buhay tulad ni Marco.


Continue Reading

Copyright © 2019 The Life Feed. Powered by Teky Media