Connect with us

Viral

OFW, nagawang makapagpundar ng 4-bedroom house at isang “flower business” dahil sa kaniyang kasipagan!

Published

on

Hindi biro ang magtrabaho sa ibang bansa at maging isang “Overseas Filipino Worker” (OFW). Talagang matinding sakripisyo ang iyong dapat gawin lalo na at malayo ka sa iyong pamilya dito sa Pilipinas.

Marami sa ating mga kababayan ang talagang sinisikap na makapangibang-bansa dahil sa mas malaki ang magiging kita nila roon kumpara dito sa Pilipinas. Kadalasang hindi rin nakakaipon ang maraming mga OFW dahil sa dami ng kailangan nilang bayaran dito habang ang iba naman ay mayroong mga waldas na pamilya kung kaya talagang wala ring napapatunguhan ang pinaghirapan nilang pera.

Ngunit ibang iba ang kwentong ito ng isang Pinay OFW na nagtatrabaho bilang isang kasambahay sa Dubai. Mapalad siya dahil nakatagpo siya ng mabait na amo.

Sa pitong taon niyang pagtatrabaho sa ibang bansa ay nagawa na niyang makapagpundar ng isang 4-bedroom house at isang “flower business” na kasalukuyang inaasikaso ng kaniyang masipag na ina. Ayon kay Aileen Tagupa, 40-anyos, hindi naging madali ang lahat sa umpisa dahil sa talagang matinding sakripisyo at pagtitiis ang kaniyang ginawa sa Dubai.


Ito kasi ang unang beses niyang mawalay sa kaniyang pamilya at mag-isang magtrabaho sa dayuhang bansa. Ngunit hindi niya alintana ang kalungkutan at hirap ng kaniyang sitwasyon.

Bagkus ay mas naging masinop pa siya sa pera at lalo niyang pinagbutihan ang kaniyang trabaho. Bawat sentimong dumaraan sa kaniyang mga kamay ay agad niyang itinatabi at pinapadala sa kaniyang ina.

Siya ang nagpapag-aral sa kaniyang kapatid na magiging isang seaman kapag nakapagtapos na ito. Hindi pa man tapos ang ipinapatayo niyang bahay na mayroong apat na mga kwarto ay naniniwala siyang matatapos din ito sa tamang panahon.

Ang kanilang “flower business” ay lumalago na rin at talaga namang masasabi niyang may napupuntahan ang kaniyang pinaghihirapang pera sa ibang bansa. Sana ay mas maraming mga Pilipino pa ang tumulad sa pamilyang ito ni Aileen na nagtutulong-tulong at nagsusumikap upang makamit nila ang kanilang pangarap sa buhay.

Source: DubaiOFW


Continue Reading

Copyright © 2021 The Life Feed. Powered by Teky Media