Connect with us

Viral

Netizen na aksidenteng nabangga ng isang lalaki, pinalampas na lamang ang insidente at dinaan sa maayos na usapan ang lahat!

Published

on

Marami na tayong nababalitaang alitan sa maraming mga lugar sa bansa. Wala nang pinipiling lugar ang mga taong nais gumawa ng gulo o eksena kung kaya naman kahit sa ilang mga fast-food chain, ospital, at maging sa gitna ang kalsada ay talagang nakakasaksi tayo ng mga ganitong insidente.

Nakakalungkot lamang isipin na marami sa atin ang tila dinadaan na lamang ang lahat sa init ng ulo. Pasigaw, padabog at sakitan na hindi naman na talaga dapat pang mangyari.

Buti na lamang at mayroon pa rin palang mga indibidwal ang katulad ng netizen na si Francis Anthony Semana. Kamakailan lamang ay naging usap-usapan ang kaniyang karanasan nang mabangga siya ng isang matandang lalaki sa harap ng isang kilalang bangko.

Ayon sa naging pagkukwento niya sa kaniyang post nong Hunyo 15, 2021 ganap na ika-6:02 ng gabi ay mayroong isang lalaki na nagparada ng kaniyang sasakyan sa bandang likuran ng kaniyang kotse. Wala diumanong “handbreak” ang sasakyan ng lalaki kung kaya naman bumangga ito sa kaniyang nakaparadang kotse.

Nais niyang kausapin ang lalaki kung kaya naman nilapitan niya ito. Nahalata niyang kinakabahan ang matandang lalaki. Agad naman niyang hinagod ang likod nito at sinabing maliit lang naman ang naging pinsala nito sa kaniyang sasakyan kung kaya naman pinalampas niya na ito at hindi na pinagbayad pa.

Sobra namang nagpasalamat ang nakabangga at nagpaalam pa sa kaniya sa pamamagitan ng pagkaway at pagbusina sa kaniya. Dagdag pa ni Francis sa kaniyang post ay kung kaya namang palampasin ang isang maliit na insidente at kung kaya pang madaan sa pakiusapan ay huwag nang palakihin pa.

Huwag na din daw idaan sa init ng ulo ang lahat. Napakarami na nating problema ngayon sa mundo kung kaya naman malaking tulong din kung magiging mabuti tayo sa ating kapwa.

Saludo kami sa iyo, Francis! Nawa ay mas marami pang mga kapwa natin Pilipino ang tumulad sa iyo.

Source and Credit: Francis Anthony V. Semana


Continue Reading

Copyright © 2019 The Life Feed. Powered by Teky Media